Habi | Weave Collection #1

 


Ang tradisyonal na paghahabi ay ang paggawa ng tela sa pamamagitan ng pagpatong-patong (pahalang at patayo) ng mga sinulid na mayroong mausisang metodo sa paggawa at naaangkop sa kultura ang disenyo. Ang habi ay isa sa mga pangunahing gawain sa isang sinaunang komunidad na pinangungunahan ng mga kababaihan. Ang mga ito ay maaaring sumisimbolo sa pang araw-araw na buhay ng etnolingwistikong grupo nagmamayari nito; sa kanilang relihiyon o paniniwala, pagtatanim, pagaasawa, panganganak, atbp. Sa kasalukuyan ay buhay at mayabong pa rin ang kultura ng paghahabi sa Pilipinas, partikular sa Kordilyera. Bagaman may mga hinaharap na hamon ay patuloy ito na sumasabay sa kontemporaryong panahon.

Isa sa mga tradisyonal na manghahabi sa lungsod ng Baguio at probinsya ng Benguet ay si Manang Cathy Ekid, siya ay mula sa etnolinggwistikong grupo na Can-eo Bontoc. Sa una ay kinokontrata lamang si Manang Cathy ng isang malaki at sikat na kumpanya na nagtitinda ng mga habi sa lungsod ng Baguio, ngunit nakitaan ng maraming tao ng potensyal si Manang Cathy kung kaya't ito ay naimbitahan sa Mandeko Kito na nag bukas dito ng maraming oportunidad. Siya ay isa sa mga mukha ng habi sa lungsod ng Baguio at probinsya ng Benguet. Sa katunayan, si Manang Cathy ay may ilang ulit nang lumabas sa balita at naimbitahan sa mga seminar/conference/talk/workshops upang magturo at/o ipaliwanag ang proseso at halaga ng paghahabi. 

Retrato mula sa FB account ni Cathy Ekid

Retrato mula sa FB account ni Cathy Ekid

Bilang ang Salaysay ay kinikilala hindi lamang ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng kultura sa paghahabi, gayundin ang pagsuporta at pagtangkilik sa mga lokal na talento ng mga Filipino ay minarapat nito na makipagtulungan kay Manang Cathy Ekid para isulong ang paggamit ng mga habi sa pang araw-araw na buhay. Ang mga Habi sa retrato sa ibaba ay mga orihinal na kontemporaryong disensyo ni Manang Cathy. 

Retrato mula sa may Akda

Ang disenyo ng habi na ito ay kinuha ang inspirasyon sa tradisyonal na disenyo ngunit pinanipis at mas pinino upang bigyan ng kontemporaryong itsura, binago rin ni Manang Cathy ang kulay upang bigyan ito ng 'nuetral' na porma na mas angkop sa panlasa ng kasalukuyang panahon at upang makaiwas na din sa isyu ng Cultural appropriation.

Retrato mula sa may Akda

Retrato mula sa may Akda

Ang kulay at disenyo naman ng habi na ito ay halo ng tradisyonal at kontemporaryo. Ang karaniwan na kulay ng mga habi sa Kordilyera ay puro na kulay Pula, Luntian, Dilaw, Puti at Itim, ngunit sa habi na ito makikita na may kulay itong halo ng Pula at Itim at Luntian at Dilaw at kahit ang pattern ng mga kulay nito ay may bahagyang pagkakaiba sa tradisyonal. Sa disenyo naman nito ay makikita ang tuloy-tuloy o dugtong-dugtong na hugis na diamond; sa tradisyonal na disenyo ang kahulugan ng diamond ay bituon o star (Ifugao) at butil ng palay. Hindi karaniwan ang pagdudugtong nito, ayon kay Manang Cathy, kung susuriin ng masinsinan ay makikita dito ang bigkis ng palay o tinna-nayan sa salitang Ibaloy na nagpapakita rin naman ng pangkalahatang kultura at pang araw-araw na buhay sa Kordilyera. 



Makikita dito na ang kultura ng paghahabi sa Kordilyera ay patuloy ang pagyabong at pagsabay sa kontemporaryong panahon. Ngunit higit dito, ang mas nakakamangha ay ang pagiging sensitibo ng mga kasalukuyang manghahabi na sila mismo ang gumagawa ng paraan upang umiwas sa Cultural appropriation at pagiging maalam ng mga ito sa tradisyonal at kahit sa kontemporaryong disenyo at kulay na nagpapakita ng pagnanais nito na pagyamanin habang pinapanatili ang karangalan ng tradisyonal na paghahabi.

-Fatima Rosario

FB: https://www.facebook.com/salaysaynamaysaysay

IG: https://www.instagram.com/salay.say/


Comments

Popular posts from this blog

MACARIO SAKAY

Josefa Llanes Escoda