HABI | WEAVE Collection #2
Ang tradisyonal na paghahabi ay ang paggawa ng tela sa pamamagitan ng pagpatong-patong (pahalang at patayo) ng mga sinulid na mayroong mausisang metodo sa paggawa at naaangkop sa kultura ang disenyo. Ang habi ay isa sa mga pangunahing gawain sa isang sinaunang komunidad na pinangungunahan ng mga kababaihan. Ang mga ito ay maaaring sumisimbolo sa pang araw-araw na buhay ng etnolingwistikong grupo nagmamayari nito; sa kanilang relihiyon o paniniwala, pagtatanim, pagaasawa, panganganak, atbp. Sa kasalukuyan ay buhay at mayabong pa rin ang kultura ng paghahabi sa Pilipinas, partikular sa Kordilyera. Bagaman may mga hinaharap na hamon ay patuloy ito na sumasabay sa kontemporaryong panahon. [1]
Isa sa mga tradisyonal na manghahabi sa lungsod ng Baguio at probinsya ng Benguet ay si Manang Cathy Ekid, siya ay mula sa etnolinggwistikong grupo na Can-eo Bontoc. Sa una ay kinokontrata lamang si Manang Cathy ng isang malaki at sikat na kumpanya na nagtitinda ng mga habi sa lungsod ng Baguio, ngunit nakitaan ng maraming tao ng potensyal si Manang Cathy kung kaya't ito ay naimbitahan sa Mandeko Kito na nag bukas dito ng maraming oportunidad. Siya ay isa sa mga mukha ng habi sa lungsod ng Baguio at probinsya ng Benguet. Sa katunayan, si Manang Cathy ay may ilang ulit nang lumabas sa balita at naimbitahan sa mga seminar/conference/talk/workshops upang magturo at/o ipaliwanag ang proseso at halaga ng paghahabi. [2]
Retrato mula sa FB account ni Cathy Ekid
Retrato mula sa FB account ni Cathy Ekid
Ang disenyo ng habi na ito ay nagpapakita ng kalasag, ang mga Bontoc ay kilala bilang mga mandirigma at mangangayaw. Sa katunayan hanggang sa kasalukuyang panahon ay mayroong mga 'tribal war' sa Mountain Province kung saan matatagpuan ang Bontoc.
Retrato mula sa may Akda
Ang kulay at disenyo naman ng habi na ito ay halo ng tradisyonal at kontemporaryo. Ang karaniwan na kulay ng mga habi sa Kordilyera ay puro na kulay Pula, Luntian, Dilaw, Puti at Itim,[4] ngunit sa habi na ito ay makikita ang kulay rosas, halo ng Rosas at Itim, asul at puti. Sa disenyo naman nito ay makikita ang maliliit na hugis na diamond; sa tradisyonal na disenyo ang kahulugan ng diamond ay bituon o star (Ifugao) at butil ng palay (pangkalahatan).[5] Mayroon din maliit na disenyo ng X, ang kahulugan naman nito ay pambayo ng palay o Lusong sa Kordilyera.
Makikita dito na ang kultura ng paghahabi sa Kordilyera ay patuloy ang pagyabong at pagsabay sa kontemporaryong panahon. Ngunit higit dito, ang mas nakakamangha ay ang pagiging sensitibo ng mga kasalukuyang manghahabi na sila mismo ang gumagawa ng paraan upang umiwas sa Cultural appropriation at pagiging maalam ng mga ito sa tradisyonal at kahit sa kontemporaryong disenyo at kulay na nagpapakita ng pagnanais nito na pagyamanin habang pinapanatili ang karangalan ng tradisyonal na paghahabi. [3]
-Fatima Rosario
[1] Rosario, F. (2021, November 21). HABI | WEAVE [web log]. Retrieved June 17, 2022, from https://salaysaynamayroongsaysay.blogspot.com/2021/11/habi-tote-bag.html.
[2] Ibid.
[3] Ibid.
[4] Ibid.
[5] Ibid.
FB: https://www.facebook.com/salaysaynamaysaysay
IG: https://www.instagram.com/salay.say/
Comments
Post a Comment